Nahuli-cam ang ginawang pagtaga sa mukha ng isang rider sa isang tauhan ng gas station sa Tagum City.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Lunes, makikita sa CCTV footage na natumba ang biktima nang tamaan siya ng taga ng suspek.

Nagawa naman ng biktima na makatayo at makatakbo papalayo sa suspek sa kabila ng tinamong sugat sa mukha.

Isinugod siya sa ospital at kasalukuyang nagpapagaling.

Tumakas naman ang suspek pero nahuli rin siya ng mga awtoridad kinalaunan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing nagpa-full tank umano ang suspek pero P50 lang ang ibinayad niya sa biktima.

Pumayag ang biktima pero napansin daw nito na kakaiba ang ikinikilos ng suspek kaya sinilip niya ang plaka ng motorsiklo at doon na siya inundayan ng taga.

Ayon naman sa suspek, tanalakan umano siya ng bktima kaya niya ito tinaga.

Mahaharap ang suspek sa reklamong sa attempted homicide.-- FRJ, GMA Integrated News