Isang persons deprived of liberty (PDL) ang inilabas ng kulungan para ipa-dialysis ang nahulihan ng ilegal na droga nang ibabalik na sa detention facility ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Antipolo City, Rizal.
Sa ulat ni EJ Gomez sa GTV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, sinabing nakulong noong nakaraang taon ang 41-anyos na suspek dahil sa kasong pagtutulak ng ilegal na droga.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Ryan Manongdo, hepe ng Antipolo Police Station, inilabas ng piitan at dinala sa isang clinic ang suspek para sa kaniyang dialysis session nitong Martes.
Pero nang ibalik siya sa piitan, nakuha sa kaniya ang ilang gramo ng hinihinalang shabu at marijuana na nakabalot sa condom, na tinatayang nagkakahalaga ng P710,000.
Hinala ni Manongdo, nakaplano kung saan uupo ang suspek kapag nag-dialysis at doon inipit ang ilegal na droga
"After ng dialysis niya, kinuha niya 'yon [droga], inipit niya sa towel niya at 'yon yung dala-dala niya. Inaasahan niya na hindi na iche-check yung kaniyang dala (pagbalik sa kulungan)," ayon kay Manongdo.
Pero kinapkapan pa rin ng mga tauhan ng BJMP ang suspek at nakita sa kaniya ang ilegal na droga na hinihinala ni Manongdo na ibebenta sa loob ng kulungan.
Inaalam ng pulisya kung sino ang kausap sa labas ng suspek, at kung may kasabwat ba ito sa loob ng clinic.
Sinabi ni Manongdo na inamin umano ng suspek na mula sa Taguig ang kaniyang naging katransaksyon.
"Aalamin namin kung papaano siya nakapag-transact eh isa siyang PDL nga," anang opisyal. -- FRJ, GMA Integrated News