Labis ang kasiyahan ng may-ari ng bag na naiwan sa loob ng taxi na may laman na P200,000 dahil hinanap sila ng driver upang isauli ito. Ang pera, gagamitin pala na pambayad sa ospital.
Sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV One Western Visayas, ikinuwento ng 57-anyos na taxi driver na si James Palma, na Lunes, September 23, 2024, nang umaga nang may maisakay siyang mag-asawa mula sa isang ospital.
Nagpahatid ang mga ito sa Iloilo Central Market, at bumaba. Nang kukuha na muli siya ng ibang pasahero, napansin niya ang naiwan na itim na bag sa likod na puwesto ng mga pasahero.
Nang suriin niya ang laman nito, nakita ang pera na P200,000. Kaagad siyang nakipag-ugnayan sa naisakay niyang pasahero at naibalik niya ang pera kinahapunan ng araw din iyon.
Nagpapasalamat naman ang may-ari ng pera sa katapatan ni Palma na gumawa pa ng paraan upang mahanap sila. Napag-alaman na gagamitin ang naturang pera sa pagpapaospital ng kaniyang pasahero.
Inimbitahan ng mag-asawa si Palma na bumisita sa kanilang bahay sa Pavia. Nakapagpa-confine na rin sa ospital ang pasyente.
Para kay Palma, hindi naging mahirap sa kaniya na magpasya na isauli ang pera dahil ang una niyang iniisip ay ang may-ari kaysa sa personal niyang pangangailangan.
Dagdag niya, basta nasa maayos na kalusugan ay maaari namang kitain ang pera na lagi niyang ipinadarasal.
“Mangamuyo lang ta nga kaluy-an permi byahe ta,” ayon kay Palma. --FRJ, GMA Integrated News