Balik sa kulungan ang isang 40-anyos na lalaki matapos siyang ireklamo ng sarili niyang ina ng panggagahasa sa Bohol. Ang 61-anyos na biktima, isiniwalat na hindi iyon ang unang beses na pinagsamantalahan siya ng anak.

Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Lunes, sinabing nangyari ang krimen noong madaling araw ng Setyembre 27, 2024, sa bahay ng ginang sa Candijay, Bohol.

Nagtungo ang ginang sa barangay hall para isumbong ang ginawa sa kaniya ng anak, at idinulog naman sa Candijay Police Station para dakpin ang suspek.

Sa imbestigasyon ng pulisya, kalalaya lang suspek noong September 18 matapos makulong ng 14 na taon sa kasong murder.

Ayon kay Police Captain Albert Sator, hepe ng Candijay Police Station, hindi na kayang tiisin ng biktima ang ginagawa ng anak kaya siya nagsumbong.

Idinagdag ng ginang na ginahasa na siya noon ng anak noong 40-anyos pa lang siya at nasa 20s naman ang suspek.

Tinatakot din umano siya ng anak na papatayin kapag nagsumbong sa ginawa sa kaniya.

Nang mangyari umano ang huling panggagahasa, lasing umano ang anak at galing sa lamay nang tabihan siya sa higaan at pinagsamantalahan.

Ayon sa ginang, nasaksihan ng anak niyang babae na may kapansanan ang ginawa sa kaniya, at natatakot siyang halayin din ito ng suspek. -- FRJ, GMA Integrated News