Patay ang isang 22-anyos na lalaki nang dumausdos at bumangga ang minamaneho niyang motorsiklo sa isang lumilikong taxi sa CM Rector Avenue sa Cagayan de Oro City.
Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente dakong 2 a.m. noong Sabado, September 28, 2024.
Batay sa imbestigasyon ng awtoridad, lumiliko ang taxi papunta sa gasoline station nang bumangga sa gilid ng sasakyan ang motorsiklo.
Ayon kay Chief Master Sergeant Raul Rauya, traffic investigator sa Cagayan de Oro City Police Office (COCPO), sinabi ng driver ng taxi na wala siyang nakitang sasakyan nang lumiko siya kaya nagulat siya nang may bumangga sa kaniyang motorsiklo.
May mga impormasyon na kasama umano ang biktima sa drag race pero hindi pa ito makumpirma ni Rauya.
Isinailalim sa kustodiya ng pulisya ang taxi driver habang hinihintay ang pamilya ng biktima kung magsasampa ng reklamo.-- FRJ, GMA Integrated News