Hinahanap na ng mga awtoridad ang 43-anyos na lalaki na suspek sa pagpatay sa 18-anyos na babaeng estudyante sa Cebu. Ang suspek, kalbo at lagi umanong gumagamit ng wig.

Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc ng GMA Regional TV sa GMA News 24 Oras nitong Martes, kinilala ang suspek na si Lorben Cabagsan Larot, na nakita sa CCTV na kasama ng biktimang si Mae Fatima Tagactac, na pumasok sa isang lodging house sa Toledo, Cebu.

Nadiskubre ang bangkay ni Tagactac sa isang kuwarto sa lodging house na nakagapos at may busal sa bibig. Pero ang suspek, wala na.

Hinihintay pa ang resulta ng awtopsiya sa biktima para malaman kung ginahasa siya at kung ano ang sanhi ng kaniyang pagkamatay.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nagpaalam ang biktima noong Huwebes sa kaniyang mga kaanak na pupunta sa dance practice ng mga kaklase.

Hanggang sa malaman na nakipagkita pala ang biktima sa suspek na nakilala niya sa social media.

“Sana sa gumawa nito sa aking anak, nawa'y mabigyan hustisya ang aking anak at pagbayaran niya ang kanyang ginawa. Mahal ko ang aking anak, ang sakit para sa mga magulang na ganito ang ginawa sa anak. Nang umalis buhay pa, pag-uwi patay na, ang hirap,” panawagan ng ama ng biktima.

Nakikipag-ugnayan ang Cebu police sa mga pulis sa Misamis Oriental sa pagkilala sa suspek na napag-alaman na may kinakaharap na kaso sa pagpatay umano sa kaniyang sariling ama noong June 2023.

Lumitaw sa imbestigasyon na nagtrabaho bilang barker sa Pier 1 sa Cebu City ang suspek at mayroong live-in partner.

Ayon sa may-ari ng inuupahang bahay ni Larot, nitong nakaraang June nagsimulang umupa sa kaniya ang suspek.

“Hindi namin inasahan na ganoon pala siya dahil hindi mo makita na basagulero. Nakikipag-usap siya sa amo at kapag nagta-trabaho, trabaho lang siya sa loob, nagtitinda siya,” saad nito.

Lagi umanong nakasuot ng wig ang suspek na walang buhok at nagsusuot ng face mask.—FRJ, GMA Integrated News