Nadakip sa Taytay, Rizal ang isang lalaki na nahaharap sa patong-patong na kaso sa Albay, kabilang ang pagpatay, pagnanakaw, at paggahasa, matapos ang mahigit 10 taon niyang pagtatago.
Ayon sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Huwebes, inaresto ng Taytay Police sa Yakal Street, San Miguel Compound, Barangay Muzon ang 43-anyos na suspek, na hindi na nakapalag pa.
Nahaharap siya sa samu't saring mga kaso simula pa noong 2013.
Taong 2013 nang maharap siya sa mga kasong murder, attempted murder, robbery at carnapping, ayon sa pulisya.
Abril 2014 nang ireklamo rin siya ng qualified robbery. Noon namang Disyembre 2023, naharap din ang suspek sa kasong forcible abduction with three counts of rape.
Ilang taong nagtago ang akusado sa iba't ibang lugar gaya ng Maynila, at gumamit ng mga pekeng ID at pangalan.
Napunta naman sa Taytay, Rizal ang suspek noong bandang 2020.
Nakipag-ugnayan ang Albay Police sa Taytay Municipal Police kaugnay ng posibleng pinagtataguan ng suspek. Nang makumpirma ang impormasyong nasa Taytay na siya, doon na ikinasa ang operasyon sa pagdakip sa kaniya.
Walang pahayag ang suspek, na ilang araw na idinetene sa Taytay Custodial Facility bago inilipat sa Albay. — Jamil Santos/ VDV, GMA Integrated News