Isang bangkay ng walong-taong-gulang na batang babae ang natagpuang nakasilid sa sako at naaagnas na sa Taytay, Rizal.

Sa ulat ni Bernadette Reyes sa Super Radyo DZBB nitong Biyernes, sinabing Setyembre 11 bandang 6 p.m. nang akalain ng ina ng bata na si Rylai Kaye Barrun, na nagpapahinga lang ito sa kanilang silid.

Ngunit pasado 8 p.m. nang mapansin nila na wala pa rin ang bata. Kaya kinabahan na sila at hinanap ito sa mga kapitbahay na maaaring nakakita sa kaniya.

Nang suriin sa CCTV camera sa kanilang lugar, nakita nakikipaglaro pa ang bata sa kanilang kapitbahay bandang 6:30 p.m.

Sinabi ni Police Lieutenant Colonel Gaylor Pagala na natuklasan ng mga residente ng Lupang Arenda ang isang sako at doon nakita ang kaniyang bangkay.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para malaman kung sino ang may gawa ng krimen.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News