Dead on the spot ang isang 22-anyos na babae sa Rodriguez, Rizal matapos siyang barilin sa kanyang kuwarto.

Ang suspek ay ang kanyang live-in partner, ayon sa pulisya, base sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Lunes.

Nangyari ang insidente sa bahay na tinitirahan ng biktima at suspek sa Kasiglahan Village sa Sitio Laog, Barangay San Jose.

Isinumbong sa mga awtoridad ng 13-anyos na kasama nila sa bahay ang insidente.

"Nandu'n siya sa loob ng bahay pero hindi niya nakita... Nu'ng narinig niya po 'yung putok, doon niya nakita po 'yung suspect na lumabas po. Tapos pinuntahan niya po. Doon niya nga po nakita na itong victim ay may tama na po ng bala," ani Police Lieutenant Colonel Arnulfo Selencio, chief of police ng Rodriguez Municipal Police Station.

Sa imbestigasyon, napag-alamang may tama ng baril sa ulo ang biktima, sanhi ng kanyang pagkamatay.

"Wala po kaming recovered na empty shell. Wala rin po recovered na firearm dahil malamang po ang ginamit na baril is calibre trenta'y otso po," ani Selencio.

Selos daw ang pinag-ugatan ng krimen, ayon kay Selencio.

"Allegedly, pinagdududahan niya na ito pong babae ay mayroon pong ibang lalaki kaya po madalas sila po mag-away," kuwento niya.

Nitong Marso ay nakulong na raw ang suspek dahil sa resistance and disobedience to a person in authority at illegal possession of deadly weapon.

Nakalaya siya nitong Hunyo, at doon na raw nag-umpisang mag-away ang biktima at suspek.

Tinutugis na ng mga pulis ang suspek na mahaharap sa kasong murder. —KG, GMA Integrated News