Overcharging sa baterya ang nakikitang dahilan ng mga awtoridad kung bakit nagliyab ang isang nakaparadang e-bike, at kasamang natusta ang katabi nitong motorsiklo at SUV sa Biñan City, Laguna.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente noong Biyernes ng madaling araw sa isang subdibisyon sa Barangay Sto. Tomas.
Hinihinala na nagsimula ang sunog dahil sa e-bike na posible umanong nasobrahan sa pagkaka-charge.
"Nanggaling sa battery and then nag-spread-out na siya doon sa entire e-bike," ayon kay Fire Officer 3 Mark Anthony De Roxas, Inteligence and Investigation Unit Chief, BFP, Biñan City.
Katabi ng nasunog na e-bike na nakaparada sa gilid ng kalsada ang isang motorsiklo at isang SUV na nadamay sa insidente.
"Magkakatabi lang talaga yung tatlo [sasakyan]. Kaya yung spread ng fire mabilis kasi ano lang siya...magkakalapit lang yung distance [ng mga sasakyan]," dagdag ng opisyal.
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang may-ari ng e-bike at iba pang napinsalang sasakyan pero ayon sa awtoridad ay nagkausap na ang mga ito.
Nagpaalala rin ang BFP na huwag iiwanang naka-charge nang matagal o ma-overcharge ang baterya ng e-bike para maiwasan ang disgraya.--FRJ, GMA Integrated News