Kahit madilim, hindi na pinalampas ng mga snake catcher ang pagkakataon na mahuli ang isang malaking sawa na matagal nang nagdudulot ng takot sa mga residente ng isang barangay sa Zamboanga City.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, ipinakita ang video mula sa GMA Regional TV, ang ginawang paghanap at paghuli sa sawa na makikitang agresibo sa Barangay Santa Maria.
Ilang buwan na umanong hinahanap ang sawa hanggang sa muli itong mamataan sa ilog kaya agad na pinuntahan ng mga snake catcher kahit madilim sa lugar.
Kamuntikan pang mapahamak ang isang snake catcher nang puluputan siya ng sawa sa braso.
Sinabi ng mga awtoridad na matagal nang kinatatakutan ng mga residente ang sawa na bigong mahuli ito.
Ngunit nitong Agosto 18, ilang kabataan na nanghuhuli ng isda sa ilog ang nakakita sa sawa at kanila itong ipinagbigay-alam sa kinauukulan.
Kumakain umano ng mga maliliit na hayop ang mga sawa na nasa ganoong sukat na, at posibleng maging mapanganib na rin sa mga tao.
Tatlong lalaki ang nagtulong-tulong para mailagay sa isang sako ang sawa na pilit na nanlalaban.
Nasa pangangalaga na ng DENR ang sawa at nakatakdang pakawalan malayo sa mga residential area kapag nasuri na ang kalagayan.
Muli namang nagpaalala ang mga awtoridad sa mga residente na bawal saktan ang mga sawa at iba pang wild animals alinsunod sa batas. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News