Isang punong barangay at kaniyang asawa ang nasawi matapos silang pagbabarilin sa Maguindanao del Norte. Isa pang barangay chairman sa Sultan Kudarat ang namatay din sa hiwalay na insidente ng pamamaril.

Sa ulat ni Sara Hilomen-Velasco sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, kinilala ang mag-asawang biktima na nasawi sa pamamaril sa bayan ng Sultan Kudarat sa Maguindanao del Norte na sina Esmael Latip Mustapha, chairman ng Barangay Bulibod, at misis niyang si Rahiman Maulana, na tumatayong barangay secretary.

Sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi na umano ang mag-asawa nitong Linggo ng gabi nang pagbabarilin sila ng nasa anim na suspek.

Ilang basyo ng bala mula sa matataas na kalibre ng baril ang nakuha sa pinangyarihan ng krimen.

Pauwi na rin galing sa palengke si Amado Serra, Jr., chairman ng Barangay Laguilayan sa Isulan, Sultan Kudarat, nang pagbabarilin siya ng mga salarin sa loob ng kaniyang sasakyan nitong Lunes ng gabi.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril para matukoy at mahuli ang mga salarin.--FRJ, GMA Integrated News