Kinilala ng Traffic Enforcement Unit ng Cebu City Police Office (TEU CCPO) ang tulong na ginawa ng isang motorcycle taxi rider na humabol sa kotse na nasangkot sa hit and run na ikinasawi ng biktima.
Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Miyerkoles, kinilala ang rider na si Reigner Casas, na tumanggap ng certificate of commendation mula kay Police Lieutenant Colonel Miguel Andeza, hepe ng TEU CCPO.
Ayon kay Andeza, malaking tulong si Casas sa pagkakaaresto sa driver na nakabundol sa 58-anyos na biktima noong July 26, 2024.
"Kon wala pa ni siya magpakabana, possibly natagbaw na tag pangita sa CCTV karon, nagsubay-subay pa ta,” sabi ni Andeza.
Papasok noon sa trabaho ang biktima nang mabundol ng kotse na nag-overtake sa isang sasakyan sa V. Rama Avenue, sa Barangay Guadalupe. Sa kasamaang-palad, nasawi ang biktima.
Pero sa halip na tumigil ang kotse, nagtuloy-tuloy lang ito sa arangkada at hinabol ni Casas.
Ayon kay Casas, nangibabaw ang awa niya sa biktima kaysa sa takot kaya hindi siya nagdalawang-isip na habulin ang driver ng nakadisgrasyang kotse.
“Kon naa tay ikatabang sa kapulisan, sa trapik, or unsa ba na dinha diha sa dalan, motabang ta kay wala may laing magtinabangay, kita ra man,” mensahe niya sa mga kapuwa niya motorista sa pagtulong sa awtoridad.--FRJ, GMA Integrated News