Bumulagta sa gilid ng kalsada ang isang lalaki matapos na barilin ng nakatakas na salarin sa Barangay 21 sa Cagayan de Oro City.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkules, sinabing binaril ang hindi pa nakikilang biktima kaninang madaling araw.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, naglalakad lang ang biktima nang basta na lang barilin ng salarin sa dibdib.

Blangko pa ang pulisya sa posibleng motibo sa krimen, maging sa pagkakakilanlan ng biktima at salarin.

Wala umanong nakakita sa krimen, at maghahanap ng CCTV camera sa lugar ang pulisya na maaaring makatulong sa imbestigasyon. --FRJ, GMA Integrated News