Tatlong ang nasawi, at anim ang sugatan sa ginawang pag-araro sa mga nakaparadang sasakyan ng isang lalaki na tumangay sa isang police mobile sa Morong, Rizal.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing kabilang sa mga sugatan ang suspek at ilang pulis na humabol sa kaniya.
“Sa ating pag-iimbestiga, meron tayong tatlo nakumpirmang patay. Bale anim ang nasugatan kabilang na ang suspek kasama ang ating rumespondeng pulis at apat na sibilyan,” ayon kay Police Major Rosalino Panlaqui, hepe ng Morong Rizal Police.
Lumabas sa imbestigasyon ng 9 a.m., nang makatanggap ng sumbong ang pulisya tungkol sa isang lalaki na nanggulo na kaagad namang nirespondehan.
“Sa initial assessment parang meron siyang diperensiya sa pag-iisip. So atin siyang isinama at nakita nating meron siyang mga sugat kaya ipapagamot dapat,” sabi ni Panlaqui.
Pero nang malapatan na ng lunas ang suspek, mabilis itong umalis at pinaandar ang isang police mobile.
“Nakita ng ating pulis na siya ay sumakay sa ating mobile at pinaandar niya. Hinabol siya ng ating kapulisan at umabot sa punto na nakabangga na siya naging resulta ng magkasawi ng ilang tao at pinsala sa mga properties,” ayon pa kay Panlaqui.
Mga nakaparadang tricycle at motorsiklo umano ng inararo ng suspek na naaresto rin at kasama sa mga nasugatan.
Ihahanda ng pulisya ang reklamong isasampa sa suspek na hinihinalang dayo lang sa lugar. Hindi umano malaman kung sino ang mga kamag-anak ng suspek dahil ito siya makausap nang maayos.
“Hindi po kami ang tamang ahensya para magsabi kung siya at may deperensya sa pag-iisip. Sa ngayon, kumakalap kami ng ebidensya para magsampa ng kaukulang kaso laban sa kaniya sa husgado,” paliwanag ni Panlaqui.--FRJ, GMA Integrated News