Nasawi ang nasa 11 magkakaanak na galing umano sa lamay at pauwi na nang mabangga ng isang pampasaherong bus ang sinasakyan nilang pickup truck sa Abulug, Cagayan kaninang madaling araw.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing nangyari ang trahedya sa national highway na bahagi ng Sitio Ayaga sa Barangay Lucban.

Ayon kay Police Major Antonio Palattao, hepe ng Abulug Police, 14 ang lahat ng sakay ng pickup truck na pauwi na galing sa isang lamay sa Apayao, habang papunta naman sa Sta. Ana, Cagayan ang bus.

"Itong pickup, biglang pumasok dito sa main highway at tamang-tama naman na nandyan na ‘yung bus kaya nasalpok niya. Sa tingin natin parehas silang may pagkakamali," ayon kay Palattao.

Kabilang sa mga nasawi ay dalawang sanggol na isang-taong-gulang at 11-buwang-gulang.

Nakaligtas naman pero sugatan ang driver ng pick-up truck at dalawang bata na isinugod sa ospital.

Nasaktan din sa aksidente ang driver ng bus at konduktor, at ilang pasahero.

"Kahapon kabonding ko lang yung anak ko, tapos kanina nandito na siya, hindi ko tanggap. Hindi ko pa nakita talaga, ayaw ko… hindi ko makita yung anak ko na makita na ganun-ganun lang nangyari sa kanya," hinanakit ni Ronalyn Time-Israel.

Nanawagan si Ronalyn at kaniyang mga kaanak na tulungan sila ng kompanya ng bus sa gastusin lalo na sa pagpapalibing.

Inihahanda na ng pulisya ang isasampang reklamo laban sa driver ng bus.--FRJ, GMA Integrated News