Sira umano ang lock ng pintuan ng kotse kung saan nakita ang bangkay ng dalawang batang magkapatid sa Sto. Tomas, Pampanga. May CCTV footage na rin na hawak ang pulisya na nakitang naglalaro ang mga biktima noong Sabado ng hapon sa compound kung saan nakaparada ang sasakyan.
Sa ulat ni Joan Ponsoy ng GMA Regional TV, sinabi nito na suffocation ang sanhi ng pagkamatay ng magkapatid na lalaki na edad lima at anim, batay sa isinagawang awtopsiya sa kanilang mga labi.
Ito rin umano ang nakasaad sa kanilang death certificate.
Natagpuan ang kanilang bangkay sa isang sirang kotse na nakaparada sa isang compound nitong Lunes sa Barangay Moras Dela Paz.
Gayunman, inihayag ng ina ng mga bata na Sabado pa niya huling nakasama ang mga anak, at inakala niyang kasama lang ng mga ito ang ama na nakatira sa ibang barangay.
Ayon sa ulat, hihintayin na lang ang resulta ng awtopsiya para malaman ang sanhi ng pagkamatay ng magkapatid. Sinusuri na rin ng pulisya ang nakalap nilang CCTV footage.
Lumalabas sa imbestigasyon na dalawang taon nang nakaparada sa lugar ang kotse dahil sira na ito.
Sarado ang lahat ng salamin ng bintana, at mabubuksan lamang umano ang pinto mula sa labas, at hindi na kapag nagmula sa loob.
Kaya naman ang taong papasok sa loob ng sasakyan, hindi na umano makakalabas kung walang magbubukas ng pinto mula sa mismong labas.
Samantala, sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Lunes, sinabi ni Police Captain Jester Calis, hepe ng Sto. Tomas Police, na batay sa kuha ng CCTV camera, nakita ang magkapatid na naglalaro sa compound hanggang sa makarating sa kotse kung saan sila nakitang patay.
LIVE sa DZBB: PCapt. Jester Calis, chief of police, Sto. Tomas, Pampanga
— DZBB Super Radyo (@dzbb) July 9, 2024
????: 594 kHz AM band
????: https://t.co/Jl7zdr26Yg
????: https://t.co/Jy4ATG1v0v pic.twitter.com/nm1ELF2zeH
"Sabado, 2:20 pm nung Sabado, nakita sa CCTV yung dalawang batang naglalaro sa compound... hanggang nakarating sila dun sa sasakyan kung saan nakita silang wala na silang buhay," ayon kay Calis.
Sinabi rin ni Calis na matagal nang nakaparada sa lugar ang sasakyan at sira na rin ang mga lock at pinto.
Ang sabi nung caretaker doon, kapag nakapasok na sila dun sa sasakyan at na-lock ito, wala talagang chance na makakalabas sila," dagdag niya. -- FRJ, GMA Integrated News