Nakitang nakatumba sa gilid ng kalsada ang isang lalaki na sakay ng motorsiklo na natuklasan kinalaunan na binaril pala sa Bangued, Abra.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente noong Biyernes ng gabi sa Sitio Bacsil, Barangay Dangdangla.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na galing sa inuman ang 36-anyos na biktimang si Dranreb Bulda, at mayroon umanong nakaalitan.

Nang dumating ang mga awtoridad sa lugar at nalaman na may tama ng bala ang biktima, dinala siya sa ospital pero idineklarang dead on arrival.

Tumanggi umanong magbigay ng pahayag ang pulisya pero mayroon na silang persons of interest sa nangyaring pananambang sa biktima.

Naghahanap din sila ng kuha ng CCTV camera sa lugar na makatutulong sa isinasagawang imbestigasyon.

Nananawagan naman ang asawa ng biktima ng hustisya.

"Masakit na tanggapin, lalo na at maliliit pa ang mga anak namin. Ang hiling ko lamang ay mabigyan [kami] ng hustisya," hiling ng ginang.--FRJ, GMA Integrated News