Nakunan sa video ang ilang bata na tila ginawang diving board ang isang bahagi ng Cebu-Cordova Link Expressway (CCLEX) matapos silang bumuwelo rito bago peligrosong tumalon sa dagat.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak, na iniulat din sa GMA Integrated Newsfeed, makikita sa isang video ang pagdating ng apat na batang lalaki sa mataas na bahagi ng nasabing expressway.
Wala silang suot na mga damit pang-itaas, at tila nagtatantiya habang nakakapit sa railings.
Ilang saglit lang, isa-isa nang pumuwesto ang mga bata. Pagkabuwelo, isa-isa na silang nagsitalunan sa dagat.
Sinabi ng uploader na si Joh Pamaybay na papunta siya noon sa Bohol at naghihintay ng pump boat nang mamataan ang mga bata.
Malayo-layo umano ang kinaroroonan niya kaya hindi niya nasabihan ang mga bata na bumaba at itigil ang mapanganib nilang pagtalon sa dagat.
Minabuti niyang kunan ng video ang insidente upang maiparating ito sa mga kinauukulan.
Nabahala ang marami dahil nalagay sa alanganin ang mga bata, hindi lang dahil sa kanilang diving stunts, kundi posibleng masagasaan din sila sa pagpunta nila roon.
Napanood na ito ng pamunuan ng CCLEX at agad silang nag-deploy ng shore patrol.
Sinabi ng uploader na may iba pang bata ang gumagawa nito.
Nakikipagtulungan na ang CCLEX sa barangay officials para sa mas masusing pagbabantay.
Masuwerte namang hindi nadisgrasya ang mga bata matapos gawing diving board ang bahagi ng tulay.
May warning signs na umano sa lugar na ipinagbabawal sa mga bata at iba pang residente na pumasok sa restricted na parte ng expressway. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News