Nasawi ang isang 13-anyos na lalaki na nagmamaneho ng tricycle matapos niyang makabanggaan ang isang bus sa Labo, Camarines Norte. Sugatan din ang pasahero sa tricycle.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Talobatib, noong Miyerkules.

Ayon sa pulisya, binabaybay ng bus ang highway sa Barangay Labo habang patungo ng Jose Panganiban, nang biglang pumasok umano sa linya ng bus ang tricycle na minamaneho ng binatilyo.

Hindi na nakaiwas ang bus at nakasalpukan nito ang tricycle. 

Nasawi ang menor de edad na driver ng tricycle, habang sugatan pero nakaligtas ang kaniyang sakay.

Nagpaalala naman si Police Lieutenant Colonel Augusto Manila, Officer in Charge ng Labo Municipal Police Station (MPS), na dapat binabantayan ng mga magulang ang kanilang mga menor de edad na anak at hindi dapat hayaan na magmaneho.

“Pinapa-alalahanan po natin ang mga magulang, lalong lalo na [kapag] menor ang mga anak nila, talagang dapat hindi pa puwedeng mag-drive… sana nakikita 'yan ng mga magulang,” ayon kay Manila.--FRJ, GMA Integrated News