Wala pang suspek na nadarakip ang mga awtoridad sa nangyaring pamamaril at pagpatay sa 13-anyos na babaeng estudyante habang papasok sa eskuwelahan noong nakaraang linggo sa Agoncillo, Batangas. Ang ilang magulang ng mga estudyante, hindi maiwasan na mangamba para sa kanilang mga anak.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Lunes, sinabing kinondena ng Department of Education-Batangas, ang ginawang pagpatay sa biktima na Grade 8 student.
Iniutos din na mas higpitan ang seguridad sa mga paaralan at hiniling sa pulisya na tutukan ang kaso upang madakip ang suspek.
Ayon kay Atty. Karen Salimo, legal officer ng Deped Division ng Batangas, nagsasagawa na rin sila counselling sa buong eskuwelahan para maalis ang trauma at magkaroon ng kapanatagan sa isip ng mga mag-aaral.
Hindi naman maiwasan ng ibang magulang ng mga estudyante na matakot matapos ang nangyaring pamamaril sa biktima na naglalakad lang noon papasok sa paaralan nang sabayan at bigla na lang barilin sa ulo ng suspek.
Tumakas ang salarin sakay ng motorsiklo matapos gawin ang krimen.
Ang mga pampublikong paaralan, may nagbabantay na guwardiya o tauhan mula sa barangay kasunod ng nangyari.
Ayon kay Police Major Broderick Noprada, hepe ng Agoncillo Police Station, may person of interest na sila.
Mistaken identity naman ang isa sa mga tinitingnan nilang anggulo sa pagpatay sa biktima.
"Yung pong personal motive ay wala tayong nakikitang ganoon. Mayroon tayong tinitingnang anggulo, it could be a mistaken identy na may ibang target yung ating suspek. It just so happen na may pagkakatulad yata ang ating biktima siguro doon sa kaniyang target," sabi ni Noprada, na patuloy pa ang malalimang imbestigasyon sa krimen.-- FRJ, GMA Integrated News