Nahuli-cam ang ginawang pagbato ng kahoy ng isang 74-anyos na babae sa rider ng motorsiklong dumaan sa tapat ng kaniyang bahay sa Vintar, Ilocos Norte. Ang rider, bumalik at binangga ang babae nang kaniyang komprontahin.
Sa ulat ni Gab de Luna sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Bulbulala noong umaga ng Marso 6.
Sa CCTV footage, makikita ang babae na si Renie Leano, nang batuhin niya ng kahoy ang dumaang motorsiklo sa tapat ng kaniyang bahay.
Pero bumalik ang rider at kinumpronta niya si Leano sa gitna ng daan habang nakasakay sa motorsiklo.
Nang tumalikod na si Leano, dinunggol siya ng rider na dahilan para matumba ang babae. Dito na tuluyang umalis ang rider, na kinalaunan ay napag-alamang opisyal ng barangay.
Ayon kay Leano, binato niya ang motorsiklo dahil mabilis umano ang takbo nito kapag dumadaan sa tapat ng kaniyang bahay at maingay.
Desidido ang babae na kasuhan ang rider, na hindi naman nagbigay ng pahayag.
Pero ayon sa pulisya, hindi iyon ang unang pagkakataon na nambato ng rider si Leano na dumadaan sa tapat ng kaniyang bahay.
"Matagal na niya itong gawain kaso yung mga nabibiktima niya, pinalalampas na lang nila kasi matanda na," ayon kay Police Captain Roi Manuel Ordonio, acting chief ng Vintar Municipal police station
Walang pamilya at mag-isa lang sa bahay si Leano kaya ibinilin na lang ng mga awtoridad ang babae sa barangay na ireport sa kanila kapat naulit ang insidente.-- FRJ, GMA Integrated News