Nadiskubre sa harapan ng tanggapan ng National Bureau of Investigation sa Bacalood City ang ilang putol na parte ng katawan ng tao na iniwang nakalagay sa supot.
Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Biyernes, sinabing nakasilid sa plastic na nakalagay sa isang supot ang isang kamay, paa at pares ng tenga.
May mensahe rin na kasama rito na nagsasaad na protektor umano ng drug lord ang isang ahente nila sa NBI.
Pero ayon sa NBI-Bacolod, maganda ang ipinapakitang trabaho ng ahente na tinutukoy sa mensahe.
Iniimbestigahan na ng mga awtoridad kung sino o kanino ang naturang mga parte ng katawan.
Aalamin din umano ng NBI kung may kaugnay ang insidente sa tinutukan nilang operasyon laban sa illegal gambling at e-sabong sa Negros Occidental. --FRJ, GMA Integrated News