Inaresto ang isang lalaki sa Cebu City matapos niyang saktan ang kaniyang batang anak at ni-livestream pa para makita ng ina na kaniyang ka-live in at nasa ibang bansa.
Sa ulat ni Nikko Sereno ng GMA Regional TV Balitang Bisdak sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, makikita sa video na natutulog ang bata nang biglang ilagay ng suspek sa leeg nito ang isang patalim na tila nais gilitan.
Ang bata, nagising at sumigaw ng "aguy!" [masakit]. Pinagbantaan pa ng lalaki na isang taxi driver ang kaniyang anak na kaniyang papatayin.
Napanood naman ng mga katrabaho ng lalaki ang video na naka-livestream sa social media kaya nagsumbong sila sa pulisya.
Ayon kay Police Leiutenant Olonel William Homoc, hepe ng Naga PNP, kaagad na kumilos ang mga awtoridad at naaresto ang suspek.
Nang suriin ang cellphone ng suspek, nakita rin dito ang isa pang video na sinasaktan niya ang bata.
Inamin ng suspek na sinasaktan niya ang anak para makuha ang atensyon ng kaniyang ka-live in na ina ng bata na nasa abroad para makipagsapalaran dalawang buwan pa lang ang nakararaan.
"Drama lang para makuha ang atensyon ng aking misis para makontak. Hindi ako nakadroga, nakainom lang at lasing," sabi ng suspek sa loob ng kulungan.
Pinagsisisihan naman daw niya ang ginawa sa kaniyang anak.
"I love you, lablab ka ni papa. Hindi na siguro tayo magkakasama pa. Sorry talaga anak," mensahe niya.
Inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act 7610 o Children Protection Act na isasampa laban sa suspek.
Nasa kustodiya naman ng Department of Social Welfare Development Region 7 ang bata, na nakatakdang isailalim sa psychosocial intervention.-- FRJ, GMA Integrated News