Arestado ang isang dating ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isinagawang anti-drug operation ng Provincial Intelligence Unit sa San Vicente, Camarines Norte.
Sa ulat ni Jessica Calinog sa GMA Regional TV Balitang Bicolandia nitong Biyernes, sinabing naaresto ang dating PDEA agent na kinilala lang sa alyas na "Bato", sa isinagawang buy bust operation sa Barangay Man-Ogob.
Ayon sa awtoridad, dalawang sachet na may laman na hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P74,000 ang nakuha sa 48-anyos na si Bato, na naging ahente ng PDEA mula 2008 hanggang 2018.
Sa hiwalay na operasyon ng City Intelligence Unit sa Naga City, Camarines Sur, naaresto ang isang 41-anyos na magsasaka mula sa Camalig, Albay, matapos mahulihan ng shabu na nagkakahalaga ng P1.4 milyon.
Isang drug den naman ang nadiskubre ng mga awtoridad sa Minalabac, Camarines Sur.
Arestado ang apat na suspek at nakumpiska ang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P100,000.--FRJ, GMA Integrated News