Isang kotse ang pinagtulungang buhatin ng mga tauhan ng Public Safety Office dahil nakaharang ito sa parking lot at hindi makalabas ang ibang sasakyan sa Magsaysay Avenue sa Naga City, Camarines Sur.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia, na iniulat din sa Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing hinaharangan ng kotse ang mga lalabas na sasakyan.

Sinabi ng uploader ng video na mahigit isang oras na silang hindi makalabas at hinahanap ang may-ari ng nakaharang na kotse.

Kalaunan, nakalabas din ang mga naharangang sasakyan, habang mahaharap sa reklamong illegal parking ang may-ari ng kotse.

Ayon naman sa ulat ng Unang Balita, nakakuha ng iba’t ibang reaksyon mula sa netizens ang naturang video.

Ang iba, kinuwestiyon kung bakit hindi na lang gumamit ng pang-tow ang mga awtoridad.

Ngunit nagpaliwanag ang Public Safety Office na sira na ang kanilang towing equipment.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News