Nagtamo ng sugat ang isang 17-anyos na babae nang pagtatagain ng kaniyang ama na nasa impluwensiya umano ng alak sa Vigan, Ilocos Sur.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon, na iniulat din ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing umuwi ang ama sa kanilang bahay, hanggang sa magtalo sila ng kaniyang anak.

Sa gitna ng kanilang away, doon na ilang beses pinagtataga ng suspek ang kaniyang anak.

Nagtamo ang dalagita ng mga sugat sa mukha at kamay, habang sumuko ang ama sa mga pulis.

Hindi nagbigay ng pahayag ang suspek sa media.

Hindi magsasampa ng reklamo ang pamilya. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News