Nasawi ang isang Grade 11 student matapos siyang saksakin ng icepick ng kaniyang nakainitan sa isang sayawan sa Lapu-Lapu City, Cebu.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak, na iniulat din ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing lumabas sa imbestigasyon na dumalo ang biktima, kasama ang mga kaibigan sa isang sayawan sa Sitio Mainit, Barangay Santa Rosa sa Olango Island.

Sa gitna ng sayawan, nagkainitan ang biktima at ang grupo ng suspek, na humantong sa gulo.

Ayon sa pulisya, umamin sa kanila ang 16-anyos na suspek na kinuha niya ang icepick mula sa kaniyang motorsiklo.

Gayunman, iginiit niyang gumanti lamang siya matapos suntukin umano ng biktima ang kaniyang kapatid.

Desidido ang mga kaanak ng biktima na magsampa ng reklamo laban sa suspek.

Matapos ang insidente, maghihigpit ang pulisya sa lugar sa curfew ng kabataan. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News