Dahil sa selos at hinala na may iba nang mahal ang kaniyang asawa, tinaga at napatay ng isang mister ang kaniyang misis sa Mandurriao District sa Iloilo City.

Sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Martes, kinilala ang biktima na si Emelyn Lasa, 56-anyos.

Naaresto naman ang kaniyang mister at umamin sa krimen na si Domingo, 55-anyos.

Ayon sa Mandurriao Police, nagkaroon umano ng pag-aaway ang mag-asawa nangyari ang krimen noong umaga ng February 12, 2024.

Nakita ang katawan ng biktima sa bakanteng lote na may taga sa leeg at mga kamay sa Barangay Bolilao.

“Pagdating nila sa lugar, may komprontasyon na nangyari. That’s why pinagtataga niya ang asawa,” sabi ni Police Captain Val Cambel, hepe ng Mandurriao Police Station.

Matapos ang krimen, umuwi pa raw sa kanilang bahay si Domingo at nagpalit ng damit bago nagtungo sa Lambunao para sana takasan ang ginawa sa kaniyang asawa.

Nang nakapanayam sa loob ng piitan, inamin ni Domingo na selos ang nagtulak sa kaniya para gawin ang krimen dahil sa paniwala nito na may kaulayaw ang biktima.

Mariin namang itinanggi ng ina ng biktima na magagawa ng kaniyang anak ang ibinibintang ng kaniyang manugang.

Nais niyang ituloy ang kasong parricide laban sa suspek.

Samantalang naiyak na lang ang suspek nang tanungin kung may mensahe siya para sa kanilang mga anak.-- FRJ, GMA Integrated News