Nasawi ang isang 27-anyos na rider matapos na bumangga ang minamaneho niyang motorsiklo sa isang papalikong mixer truck sa Mangaldan, Pangasinan.
Sa ulat ni Jasmin Gabriel Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing galing sa bahay ng nobya ang biktima at pauwi na sa Barangay Poblacion nang maaksidente sa Barangay Banaoang.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na liliko pakaliwa ang truck at inaalalayan ng pahinante nang biglang dumating ang biktima at bumangga sa likuran ng truck.
Ayon sa driver ng truck, may dalang ilaw ang kaniyang kasama pero sadya umanong mabilis ang takbo ng biktima.
"Kung hindi siya [pahinante] nakatakbo sa gilid, siya pa ang masasagasaan," pahayag ng driver.
Tumanggi na munang magbigay ng pahayag ang kaanak ng biktima, ayon sa ulat.
Samantala, isang babaeng rider ang nasugatan at nabalian ng paa nang bumangga siya sa isang kotse sa Sto. Domingo sa Ilocos Sur.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita na galing sa gilid ng national highway ang rider at tumawid sa kabilang bahagi nang mahagip siya ng paparating na kotse.
Nagkausap na umano ang magkabilang panig.
Sa bayan naman ng San Ildefonso sa Ilocos Sur, isang rider din na nakainom umano ang nasugatan matapos na bumangga naman sa isang ambulansiya.-- FRJ, GMA Integrated News