Nasawi ang isang batang babae matapos siyang matuklaw ng isang cobra sa loob ng kanilang banyo sa Catarman, Northern Samar.
Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Lunes, sinabi ng ama ng tatlong-taong-gulang na biktima, na nadinig niyang umiyak ang kaniyang anak.
Nang puntahan niya ang bata, nagsumbong ang biktima na tinuklaw siya ng ahas sa paa.
Sinubukan nilang dalhin sa albularyo ang bata pero binawian na ito ng buhay habang nasa daan pa lang sila.
Napatay naman ng ama ang ahas na pinaniniwalaan na isang Samar cobra, na kabilang sa mga makamandag na ahas sa bansa.
Ang pangamba na matuklaw din ang dahilan kaya naman pinatay ng mga residente sa Toledo City, Cebu, ang dalawang king cobra na kanilang nakita noong nakaraang linggo.
Sa ulat ni Fe Marie Dumabog sa Regional TV News nitong Lunes, ipinost pa sa social media ang larawan ng dalawang patay na cobra habang nakabitin noong Huwebes.
Unang nakita ang dalawang ahas na magkapulupot sa damuhan. Sa takot ng mga residente na makatuklaw ang mga ahas lalo pa't may mga bata sa kanilang lugar, nagpasya silang patayin na lamang ang mga ito.
Hindi raw iyon ang unang pagkakataon na may nakitang king cobra sa kanilang barangay.
Mag-uusap naman ang mga opisyal ng barangay kung ano ang dapat nilang gawin kapag may nakitang cobra sa kanilang lugar.
Una rito, nanawagan ang Department of Environment and Natural Resources-Region 7 na i-report sa kanila kapag may nakitang cobra at kung maaari ay huwag saktan. -- FRJ, GMA Integrated News