Apat ang nasawi, at isa ang sugatan sa magkahiwalay na insidente ng banggaan ng mga motorsiklo sa Sto. Tomas City, Batangas, at sa Ormoc City, Leyte.

Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Lunes, sinabing dalawang rider ang nasawi nang magsalapukan ang minamaneho nilang motorsiklo sa Maharlika highway sa bahagi ng Barangay Sta. Anastacia nitong Linggo ng madaling araw.

Ayon sa pulisya, nangyari ang insidente sa pakurbang bahagi ng highway at may kadiliman.

Hindi umano nakainom ang dalawa pero pinaniniwalaan na mabilis ang kaniyang paandar sa motorsiklo base na rin sa resulta ng aksidente na nawasak ang kanilang mga sasakyan, maging ang suot nilang helmet.

Hindi naman binanggit sa ulat kung sino sa mga rider ang nawala sa tamang linya na dahilan para magsalpukan ang dalawang motorsiklo.

Dinala sa ospital ang mga biktima pero idineklara silang dead on arrival ng mga duktor.

Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang mga kaanak ng mga biktima.

Sa hiwalay na ulat naman ni Mark Abella sa GMA Regional TV Balitang Bisdak, dalawang sakay naman ng isang motorsiklo ang nasawi nang mabangga sila ng isa ring motorsiklo sa Barangay Libertad, Ormoc City, noong nakaraang Huwebes.


Batay sa imbestigasyon ng pulisya, papaliko ang motorsiklong sinasakyan ng mga biktima, nang masalpok sila ng motorsiklong minamaneho ng isang guro na galing sa kanilang likuran.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang mga biktima at nasawi, habang nakaligtas naman ang guro, na mahaharap sa kaukulang reklamo.--FRJ, GMA Integrated News