Nauwi sa trahediya ang drag race ng mga motorsiklo sa isang kapistahan sa Candoni, Negros Occidental nitong nakaraang linggo.
Sa ulat ni Aileen Pedreso sa GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabing bahagi ng “Dinagyaw sa Tablas” festival ang drag race sa Candoni, Negros Occidental.
Ayon sa pulisya, nawalan ng kontrol sa motorsiklo ang isang rider na kasali sa karera na dahilan para masalpok nito ang mga biktima na nasa gilid ng kalsada na ginawang race track.
Bukod sa batang nasawi, sugatan din ang isang babae, isang tanod, at ang naaksidenteng rider.
Ikinalungkot naman ni Candoni mayor Ray Ruiz ang nangyari at nangakong tutulungan ang mga biktima.
"Humihingi ako ng tawad sa nangyari. Wala namang may gusto nito kaya lang nangyari na ang aksidente," anang alkalde.
Dahil sa insidente, hindi na umano papayagan muli pa na magdaos ng karera sa kapistahan.-- FRJ, GMA Integrated News