Nagtamo ng sugat ang isang kapitan ng barangay matapos siyang barilin ng mga salaring nakamotorsiklo sa loob mismo ng kanilang barangay hall sa Santa Maria, Bulacan.
Sa ulat ni Nico Waje sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapapanood sa CCTV ng Barangay Mag-asawang Sapa na nakaupo mismo sa pintuan ng barangay hall ang ilang tauhan nito pasado 8 p.m. ng Biyernes.
Ilang saglit pa, dumaan ang isang motorsiklong may dalawang sakay at tumigil nang bahagya sa tapat ng mga tauhan.
Dahil sa lakas ng ilaw ng motor na sumisinag sa CCTV, hindi na nakita ang ginawang pamamaril ng mga sakay nito.
Pagdaan ng motorsiklo, napatayo ang isa sa mga tauhan ng barangay na nakaupo noon at pumasok sa loob.
Paglabas ng mga tauhan, dala-dala na nila ang chairman na si Juan Rosillas.
Ayon sa admin officer ng barangay na si Jun Del Rosario, may narinig silang tatlong putok kung saan pumaltos ang isa roon, bago dumiretso ang mga salarin.
Parehong may takip ang mukha ng dalawang salarin.
Walang nababalitaang kaaway ng kanilang chairman ang mga tauhan ng barangay.
Titingnan ng pulisya ang lahat ng anggulo na posibleng motibo sa pamamaril sa kapitan.
Stable na ang kondisyon ng kapitan, na nagtamo ng tama ng bala sa tiyan, ayon sa pulisya.
Patuloy na inaalam ang pagkakakilanlan ng mga salarin. – Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News