Nasawi ang boat captain at isang crew ng water taxi matapos nitong makasalpukan ang isang fast craft sa dagat sa Batangas City.
Sa ulat ni Paul Hernandez ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, na iniulat din sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing patungo na sana sa Batangas galing ng Puerto Galera ang isang water taxi nang mabangga nito ang fast craft sa dagat na sakop ng Matoco Point.
Sinabi ni Captain Jerome Jeciel, Station Commander ng Philippine Coast Guard Batangas na nasawi ang boat captain at isang crew ng water taxi base sa inisyal nilang imbestigasyon.
Nakaligtas ang dalawa pang crew at limang pasahero na pawang mga banyaga, base sa Provincial Tourism Office ng Oriental Mindoro.
Nagbalik na sila sa kanilang mga hotel matapos magamot.
Ligtas din ang mahigit 100 pasahero at 19 crew ng fast craft na patungo sanang Calapan City, Oriental Mindoro at nagmula sa Batangas. – Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News