Nasawi ang rider at kaniyang angkas nang sumalpok ang kanilang motorsiklo sa isang puno at masagasaan sila ng isang kotse sa Ibaan, Batangas.

Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Martes, kinilala ang mga nasawi na sina Rayven Javier, na rider ng motorsiklo, at angkas niyang si Mark Vincent Maralit.

Sa kuha ng CCTV camera sa nangyaring insidente ntiong madaling araw ng Lunes, makikita na binabagtas ng mga biktima ang barangay road ng Barangay Talaibon, nang biglang lumihis ang takbo nito at bumangga sa puno.

Tumilapon ang mga biktima at humandusay sa kalsada. Ilang minuto ang lumipas, isang kotse ang dumating at nasagasaan ang mga biktima.

Kaagad na nasawi ang dalawa sa pinangyarihan ng aksidente, habang hindi naman tumigil ang kotse.

Ayon sa pulisya, mabilis ang takbo ng motorsiklo at walang suot na helmet ang mga biktima.

Inaalam na ng mga awtoridad kung sino ang driver ng kotse. --FRJ, GMA Integrated News