Dinakip ang magkapatid na edad 20 at 18 matapos umanong gulpihin ang kanilang 64-anyos na lola na nagbabawal sa kanila sa paglasing sa Midsalip, Zamboanga del Sur.
Sa ulat ni Krissa Dapitan sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing nagtamo ng mga galos sa katawan at blackeye ang biktimang si Rosenda Aligo.
Bago ang pananakit sa kaniya ng kaniyang mga apo na parehong hindi na nag-aaral, pinagsabihan niya ang dalawa na huwag nang uminom ng alak.
Karaniwan daw kasing nananakit ang magkapatid kapag nalalasing.
“Kanang saging, gibukbok kog agipo, kana bang sugnod sa abohan. Gibunal sa akong ulo. Ang isa, gisipaan ko niya. Ako na silang gitambagan nga, 'ayaw ra gud mo pagsig inom-inom.' Mangayo silag tag 100 kay pangape unya ang paliton kulafu, sayo pa kaayo,” ayon sa biktima.
Nagalit din umano ang magkapatid nang pagbintangan na nagnanakaw sila sa kanilang kapitbahay.
Ayon kay Police Staff Sergeant Mechael Abdon, imbestigador ng Midsalip Municipal Police Station, rumesponde sila sa lugar matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa nangyaring kaguluhan.
Citizen arrest umano ang nangyaring pag-aresto sa magkapatid. Reklamong attempted parricide ang isinampa laban sa mas nakatatandang suspek, habang slight physical injury naman ang isinampang reklamo sa isa pa.
Kapuwa hindi nagbigay ng pahayag ang magkapatid na tanging ang biktima na nag-aaruga. --FRJ, GMA Integrated News