Sumiklab ang isang sunog sa imbakan ng mga kalakal sa Antipolo City, Rizal nitong Lunes ng umaga.
Nangyari ang insidente sa Barangay Bagong Nayon, ayon sa ulat sa Unang Balita.
Ayon sa Antipolo Fire Station, natanggap nila ang report ng sunog nitong alas-singko ng umaga.
Dahil mga light materials tulad ng karton ang laman ng imbakan, madaling nagliyab ang apoy.
Umabot sa unang alarma ang sunog na ibig sabihin ay kailangan ng apat na fire truck sa lugar.
Naapula na ang sunog, ayon sa sumunod na balita ng Unang Balita.
Ayon sa Antipolo Fire Station, nadamay ang ilang bahay ngunit inaalam pa nila kung ilan ang mga ito.
Kasalukuyan ding iniimbestigahan pa ng Bureau of Fire Protection ang posibleng sanhi ng sunog.
Wala namang naitalang nasugatan o nasaktan sa insidente. —KG, GMA Integrated News