Nasawi ang dalawang construction worker matapos silang matabunan ng gumuhong lupa mula sa bundok sa Sugpon, Ilocos Sur.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon sa Unang Balita nitong Huwebes, inilahad ng pulisya na kailangang tibagin ang bahagi ng bundok kaya may isinagawang road widening project sa lugar.

Pinatatakbo noon ni Joseph Ramirez ang backhoe samantalang nasa gilid ng bundok si Ricardo Bayeng nang maganap ang insidente.

Inabot ng apat na oras bago nakuha ang mga labi ng dalawa.

Nakahanda ang provincial government na humahawak sa proyekto na tulungan ang mga naulila ng dalawang nasawing trabahador.

Pansamantalang isinara ang construction site dahil sa insidente. — Jamil Santos/ VDV, GMA Integrated News