Sa kulungan ang bagsak ng isang mag-asawa matapos nilang gamitin umano sa online kalaswaan ang dalawa nilang menor de edad na anak sa Lanao del Norte.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing mahigit isang linggong nagmanman ang National Bureau of Investigation - Anti- Human Trafficking Division bago sinalakay ang tahanan ng mag-asawa.
Nang arestuhin, sinubukan pa ng babaeng suspek na itapon ang kaniyang cellphone, ngunit nakuha rin ito ng mga operatiba.
Ayon sa mga awtoridad, isang taon pa nagbebenta ang mga suspek ng mga malalaswang larawan at video ng kanilang mga anak sa kanilang mga kliyenteng banyaga.
Ayon kay Atty. Cath Nolasco, Chief ng NBI - Anti- Human Trafficking Division, isang Briton mula UK ang nahuli at natuklasang nanggaling sa Pilipinas ang kaniyang mga materyal.
Nakumpirma nila sa kanilang surveillance na sa Lanao del Norte nagmula ang kaniyang mga materyal.
"Actually in-offer pa nga nila na kung nandito 'yung kausap nila online, mag-actual sex sila ng mga anak niya," sabi ni Nolasco.
Nasa pangangalaga na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga biktima na edad apat at lima.
Mahaharap ang mga suspek sa reklamong qualified human trafficking online, sexual abuse and exploitation at paglabag sa anti-child abuse law.
Hindi nagbigay ng pahayag ang mga suspek, ayon sa ulat. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News