Pinagbabaril at napatay ang isang 22-anyos na babae habang nagpapakain ng mga alagang baboy sa Bantay, Ilocos Sur.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, kinilala ang biktima na si Berna Shiela Paac, na binaril sa kanilang piggery farm sa Barangay San Mariano.
Ayon sa awtoridad, nagtamo ng mga tama ng bala sa dibdib at sikmura ang biktima.
Hindi pa matuloy kung sino ang salarin dahil magkakalayo umano ang mga bahay sa lugar na pinangyarihan ng krimen. Halos isang kilometro rin ang layo ng babuyan sa mismong bahay ng biktima.
"‘Yun pa yung inaalam natin [dahil] ‘yung witnesses malalayo yung bahay doon at inaalam pa natin at nire-review lahat ng CCTV," ayon kay Police Major Pol Areola, Officer-in-Charge ng Bantay Police Station.
Napag-alaman na nagtapos ng kolehiyo ang biktima noon lang isang taon kaya siya ang inaasahan ng pamilya.
Wala naman alam ang mga magulang ng biktima kung may nakaaway ang kanilang anak.
Nananawagan sila sa kung sino man ang may nalalaman sa nangyaring krimen na tulungan silang mabigyan ng hustisya ang biktima. -- FRJ, GMA Integrated News