Mistulang minasaker na nakitang patay at nakahandusay sa damuhan ang 14 na alagang kambing sa Buenavista, Zamboanga City.

Sa ulat ni Krissa Dapitan sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabing nakita nitong Martes ng umaga ang mga patay na kambing na may mga kagat sa katawan at ang iba ay wala nang ulo.

Hinala ng pamangkin ng may-ari ng mga kambing, mga asong gala sa lugar ang umatake sa mga alaga nila.

Tinatayang P40,000 umano ang nalugi sa may-ari ng mga kambing dahil sa insidente.

Ipinamigay umano ang mga namatay na kambing sa mga kapitbahay.

Ikinabahala naman ng mga residente ang insidente kaya hihingi sila ng tulong sa lokal na pamahalaan para mahuli ang mga asong gala. --FRJ, GMA Integrated News