Patuloy na pinaghahanap ang isang babae matapos siyang ma-huli cam na tinangay ang flat-screen TV ng transient house na kaniyang inupahan sa Sto. Tomas City, Batangas.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, na iniulat din sa GMA Integrated Newsfeed, mapapanood sa CCTV ang pagdating ng suspek sakay ng isang tricycle.
Sa mga sumunod na kuha, makikitang pasakay na ulit ng tricycle ang babae na may dala-dalang bag, na naglalaman na pala ng flat-screen TV ng transient house.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nag-book sa transient house ang suspek.
Nang magtungo ang may-ari ng bahay, nadiskubre niyang wala na ang flat-screen TV doon.
Nang suriin ang CCTV dito na niya nabisto ang ginawa ng suspek.
Ayon sa Sto. Tomas City Police, may kaparehong modus na ang babae at nagkaroon na ng kaso sa Quezon.
Nang suriin pa sa database ng pulisya, may existing warrant of arrest na rin ang suspek para sa pagnanakaw.
Mahaharap sa kasong theft ang babae. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News