Nauwi sa pananakit ang paniningil ng utang ng isang babae sa kapuwa niya babae sa isang pamilihan sa Mangatarem, Pangasinan. Reklamo ng biktima, ang may utang pa umano ang galit nang sinisingil na niya.
Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nagtamo ng sugat sa ulo ang biktimang si Fleda Pagarigan, 50-anyos, matapos mauwi sa pisikalan ang paniningil niya ng utang sa isang babae sa palengke sa Mangatarem.
Ayon sa biktima, aabot umano sa mahigit P400,000 ang utang ng suspek at pamilya nito. Dahil hindi kayang bayaran ang utang dahil sa pagkalugi ng negosyo, napagkasunduan umano magbabayad na lamang ang suspek ng P2,000 kada buwan.
"Nagmakaawa po siya ibabalik ko ng ganito, siyempre ako maawain po ako ibinigay ko yung pera na 'yon. Mga ilang araw siningil ko na iyon na wala na po, sila pang galit," anang biktima.
Nang hindi na naman magbayad, nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa na nauwi na sa pananakit umano ng suspek sa biktima.
Masama rin ang loob ng biktima sa ama ng suspek dahil sa halip na ang anak umano ang awatin, siya ang hinawakan kaya hindi siya nakalaban.
Mabuti na lang umano na may ibang nagmalasakit sa kaniya.
“Lumapit na naman ‘yung ama… imbes awatin ‘yung anak, bigla naman akong sinakal, hinawakan, siyempre hindi na ako makaano, nahihilo na ako, duguan na ako," kuwento ng biktima.
Inaresto at sinampahan na ng reklamo ang suspek.
"Based sa CCTV [footage] na nakalap natin, nagpapatotoo na itong si suspek po natin sinaktan, sinabunutan at sinuntok ang biktima," ayon kay Police Major Arturo Melchor, Jr., hepe ng Mangatarem Police Station.
Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek.--FRJ, GMA Integrated News