Anim ang nasawi at siyam ang sugatan nang sumalpok sa puno sa Naic, Cavite ang isang nirentahan van na galing sa reunion sa Bicol.
Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Biyernes, sinabing kabilang sa mga nasawi ang driver ng van.
Ayon sa pulisya, galing sa Bicol ang magkakaanak na biktima para dumalo sa reunion at nirentahan lang ang van.
Papunta sa Quezon City ang van at may ihahatid lang sa Cavite nang mangyari ang aksidente.
"Ang usapan ay sa Cubao sila dapat sila ihahatid dahil halos karamihan dito puro mga taga-Antipolo. Kaya lang, 'yung isa na sakay ay taga-Naic, naikiusap 'yung taga-Naic na i-drop by muna siya doon sa Naic," ayon kay Leiutenant Coronel Chester Noel Borlongan, hepe ng Naic Police Station, sa hiwalay na ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog.
Lumalabas sa imbestigasyon na mabilis umano ang takbo ng van at nakatulog ang driver.
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang mga nakaligtas at pamilya ng mga nasawi.-- FRJ, GMA Integrated News