Nasawi ang isang babae na sakay ng motorsiklo matapos siyang saksakin ng dating kinakasama sa Mangaldan, Pangasinan.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Lina Abrio, 50-anyos, residente ng Barangay Bantayan sa Mangaldan.

Nangyari ang pananaksak sa Barangay Salay, Mangaldan. Isinugod pa sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay.

Nadakip naman sa follow-up operation ang suspek sa Barangay Guesang sa Mangaldan din. Wala pa siyang pahayag sa nangyaring krimen.

Selos ang nakikitang motibo sa krimen.

"Nagkaroon sila ng heated argument about sa relationship nila na allegedly mayroon daw other [partner] yung babae," ayon kay Police Captain Vicente Abrazaldo, Deputy Chief ng Mangaldan Police Station. -- FRJ, GMA Integrated News