Timbog ang isang 16-anyos na lalaki matapos magnakaw ng anim na baterya ng truck na nagkakahalaga ng nasa P30,000 sa loob ng fish port sa Bulan, Sorsogon.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente noong bisperas ng Bagong Taon, ayon sa pulisya.

Sinubukang ibenta ng binatilyo ang mga baterya sa isang junk shop nitong Miyerkoles.

Ngunit nabalitaan ng may-ari ng junk shop ang tungkol sa mga nakaw na baterya kaya nagsumbong siya sa barangay.

Isinuko ang mga baterya sa pulisya at dinakip ang suspek matapos makumpirmang mga nakaw nga ang mga ito.

Inihabilin sa Department of Social Welfare and Development ang suspek, na walang pahayag. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News