Patay ang isang 45-anyos na lalaki matapos siyang saksakin sa leeg at gilitan ng kaniyang katrabaho sa Laoag City, Ilocos Norte. Ang suspek, sugatan din matapos na saksakin ng biktima.

Sa ulat ni Gab De Luna sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, kinilala ang biktima na si Dante Pascual, ng Bambang, Nueva Vizcaya.

Sugatan naman at nananatili pa sa ospital ang suspek na si Hermie Joy Yulo, 40-anyos, ng Negros Oriental, na nagtamo rin ng saksak.

Nangyari ang krimen sa Barangay 59-A Dibua South sa Laoag City matapos na magkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa.

Ayon sa pulisya, unang sinaksak ni Pascual si Yulo.

Pero iniwan ni Pascual si Yulo sa pag-aakalang napatay na niya ito.

Ang hindi alam ni Pascual, sinundan siya ni Yulo at doon na siya sinaksak sa leeg at ginilitan.

Kaagad na nasawi si Pascual habang isinugod sa ospital si Yulo.

“Wala po kasing witness doon sa pinangyarihan ng insidente, tapos ‘yung suspek unconscious pa hanggang ngayon. Kapag conscious na ang suspek, kakasuhan na siya ng murder," ayon kay Police Captain Winnie Julian, spokesperson ng Laoag City Police Station.— FRJ, GMA Integrated News