Timbog sa entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI)-Quezon ang dalawang babae sa Lucban kaugnay ng pagpapatkbo ng isang occupational therapy rehabilitation center nang walang karampatang lisensya.
Dinakip sina Jogie Rada, na nagpapakilala umano bilang occupational therapist, at ang kanyang assistant na si AnnaLiza Lopez. Sa pagsisiyasat ng NBI Quezon, napag-alaman na hindi lisensyadong occupational therapists sina Rada at Lopez, na halos 10 taon nang nag-o-operate.
Sa tulong ng Professional Registration Commission (PRC), napag-alaman na walang lisensya sina Rada at Lopez kung kaya't agad na ikinasa ang entrapment operation.
Isang ahente ang nagpanggap na mag-e-enrol sa center. Nang maiabot na ang pera bilang registration fee, agad nang inaresto sina Rada at Lopez.
Ayon kay Atty. Zack Hansel Balba, Executive Officer ng NBI Quezon, nilabag ng dalawa ang Republic Act 11241 o ang Philippine Occupational Therapy Law of 2018.
Lubhang nakababahala raw ang ganitong gawain dahil kabataan ang karamihan sa mga kliyente. Kung hindi raw professional ang gagawa ng therapy, posibleng malagay sa peligro ang mga kliyente. Sa halip na gumaling, lalo pa raw mapasasama.
Ayon naman kay Rada, graduate siya ang college at wala naman raw siyang nilalabag na batas. Tumanggi namang magbigay ng pahayag si Lopez.
Hawak ngayon ng NBI Quezon ang mga naarestong suspek at nakatakdang sumailalim sa inquest proceedings sa Miyerkules. — Peewee Bacuno/ VDV, GMA Integrated News