Nahuli-cam ang ginawang pagbukas ng mga kawatan sa isang Japanese restaurant at pagtangay sa P48,000 halaga ng pera at gadgets nito sa Imus, Cavite. Ang isa sa mga suspek, nadakip.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa Unang Balita nitong Huwebes, makikita sa CCTV ang isang lalaki na tila balisa habang umaatras at pumaparada ang isang SUV sa tapat ng establisyimento sa Aguinaldo Highway nitong Sabado.
Nilapitan ito ng lalaki at binuksan ang likuran at may kinuha siyang mga gamit.
Maya-maya pa, makikita na ang lalaki na may kinakalikot at binubuksan na ang nakasarang Japanese restaurant.
Sa isa pang kuha, mapapanood ang lalaki na nililimas na ang kita ng restaurant na nasa kaha, bago kumuha pa ng ilang gamit.
Sinabi ng Imus Police na kabilang sa kinuha ng mga suspek ang P48,000 cash, laptop at ilang cellphone.
Ngunit dahil sa CCTV, natukoy at nadakip ang driver ng SUV, na kinilalang si Jesus Renegado, noong Lunes sa Maynila.
Ayon pa sa Imus Police, posibleng may kasabwat pa ang mga suspek.
Sinubukan ng GMA Integrated News na kunin ang pahayag ng may-ari ng kainan ngunit tumanggi ito.
Natukoy na ng Imus Police ang isa identidad ng isa pang suspek na nakunan sa CCTV na pumasok sa restaurant, at patuloy siyang pinaghahanap ng mga awtoridad. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News